-- Advertisements --

Inanunsyo ng National Parks Development Commission (NPDC) ang pagbubukas sa Rizal Monument sa Manila bukas, June 19, para sa mga bisita na nagnanais makakuha ng close-up selfies.

Ito ay kasabay ng ika-164 birth anniversary ng pambansang bayani ng bansa.

Ayon sa NPDC, papayagan ang publiko na makalagpas pa sa mga bollard na nakapalibot sa munumento.

Gayunpaman, pinapayuhan pa rin ang lahat na obserbahan ang proper decorum sa pagkuha ng mga larawan at video kasama ang monumento.

Sa mga normal na araw, hindi pinapayagan ang labis na paglapit sa naturang monumento upang maiwasan ang posibleng pagsira, vandalism, atbpa.

Ito ay binabantayan ng mga personnel ng Marine Security and Escort Group ng Philippine Marine Corps.

Samantala, nakatakda rin ang wreath-laying ceremony bukas bilang pagpupugay sa buhay at sa lahat ng mga nagawa ni Rizal para sa bansa.

Nakatakda rin ang ilang interactive activities sa Noli Me Tangere Garden mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. Ilan sa mga nakahanay na aktibidad ay ang ‘Mirroring Rizal’ kung saan maaaring makakuha ng mirror selfies ang mga bisita.

Bubuksan din ang isang “Stamp-A-Souvenir” booth mula alas-10 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.