-- Advertisements --

Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na target nilang gawing pribado ang nasa sampung rehiyonal at panturismong paliparan sa bansa sa mga susunod na taon.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, kabilang sa mga paliparang ilalagay sa ilalim ng public-private partnership (PPP) ang mga nasa Iloilo, Davao, Siargao, Laoag, Busuanga, Bicol, Tacloban, Bacolod-Silay, General Santos, at Puerto Princesa.

Bagaman may ilang paliparan na ide-develop bilang hiwalay na proyekto, bukas si Dizon sa posibilidad na pag-isahin ang mga ito sa isang bidding package, gaya ng rekomendasyon ng International Finance Corporation (IFC) at Asian Development Bank (ADB).

Kaugnay nito, aasahan na rin ang dagdag na modernization sa mga paliparan katulad na lamang ng paglalagay ng e-gates sa parehas na departure at arrival area.

Matatandaan na noong Lunes, pormal nang tinurn-over ng DOTr at ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang operasyon ng Bohol-Panglao International Airport sa Aboitiz Group sa ilalim ng kasunduang nagkakahalaga ng P4.53 bilyon.

Noong Setyembre 2024 naman, ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay inilipat na rin sa pamumuno ng New NAIA Infra Corp. isang grupo na pinamumunuan ng San Miguel Corporation.

Samantala, sinabi rin ni Dizon na magpapatuloy ang pamahalaan sa pagtatayo at pagpapalawak ng mga paliparan sa malalayong lugar.