Inatasan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang DSWD Operations Group na hanapin ang mga pamilya ng dalawang Pilipinong nasawi sa nagaganap na sigalot sa Israel upang maiabot ng Kagawaran ang kinakailangang tulong.
Inutusan ng DSWD chief si Undersecretary for Operations Group Pinky Romualdez na makipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers (DMW) at kunin ang mga detalye ng pamilya ng dalawang Filipino migrant workers na napatay.
Binigyang-diin ni Secretary Gatchalian na walang halagang pera ang makakapagpaginhawa sa paghihirap ng mga pamilyang nawalan ng mga mahal sa buhay sa pag-atake ng Hamas laban sa Israel ngunit idiniin niya na titiyakin ng DSWD na lahat ng posibleng tulong ay maibibigay sa kanila.
Sinabi ni Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez na ang tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ay magagamit sa mga pamilya ng dalawang pinaslang na Pilipino.
Bilang karagdagan sa pagtanggap ng suportang pinansyal, ang mga pamilya ay ididirekta sa kanilang sariling mga regional offices kung saan susuriin sila ng mga social worker at tutukuyin kung anong mga serbisyo ang kanilang kakailanganin.
Una na rito, mayroong humigit-kumulang 30,000 Pilipino sa Israel at 137 iba pa ang nakatira sa Gaza strip, kung saan inilunsad ng militanteng Hamas ang kanilang mga pag-atake.