-- Advertisements --

Pinag-aaralan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang posibilidad na maipagkaloob ng mas maaga ang livelihood assistance grant (LAG) kahit may umiiral pang quarantine.

Ayon kay DSWD Usec. Camilo Gudmalin, ang orihinal na plano ay maibigay ito sa beneficiaries pagkatapos pa ng lockdown at quarantine.

Pero may mga mungkahi na umano silang natatanggap na gawin itong mas maaga dahil sa laki ng kailangang punan ng nasabing tulong.

Aabot sa P2.3 billion ang nakalaan dito, kung saan mabibiyayaan ang mga nawalan ng kabuhayan mula nang kumalat ang nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).

Pagtitiyak ni Gudmalin, dadaan sa maayos na screening ang mga benepisaryo ng tulong na ito upang hindi masayang ang pagsisikap ng pamahalaan na matulungan ang target na sektor ng ayuda.