Ipinag-utos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pag-inspeksiyon ng bodega na pinuna ng state auditors na marumi o mayroong mga daga at ipis.
Ayon kasi sa Commssion on Audit (COA) ang naturang bodega ng DSWD-Metro Manila Field Office sa Pasay City ay nagdulot ng pagkasira ng ilang relief goods na nakaimbak sa lugar.
Matatagpuan ang naturang bodega sa tabi n National Resource Operations Center na pangunahing disaster hub ng DSWD.
Kaugnay nito, inutusan na ni Social Welfare Sec. Rex Gatchalian si field office chief Michael Joseph Lorico para pisikal na inspeksiyunin ang bodega at suriin ang kondisyon ng relief goods.
Malugod namang tinanggap ng DSWD ang mga rekomendasyon ng COA para sa pag-improve pa ng pasilidad.
Tiniyak naman ni DSWD spokesperson at ASec. Romel Lopez na tinitignan na ng pamunuan ng DSWD ang naturang concern para mapabilis ang pagsasagawa ng kaukulang pagbabago para mapa-improve ang stockpiling, kalinisan at kondisyon ng mga bodega sa NCR.
Ipinag-utos na rin ni Sec. Gatchalian sa mga personnel ng DSWD na ayusin ang lahat ng relief supplies para matiyak na walang sirang relief goods na ipapamahagi sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Ikinokonsidera din ng DSWD ang pagsasagawa ng regular na pest control at pagkumpuni sa storage facility.