Umalma si newly elected Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez kaugnay sa walang basehan na akusasyon ni dating speaker Pantaleon Alvarez kaugnay sa pagsusulong ng Charter Change para amyendahan ang 1987 Constitution.
Sinabi ni Suarez, nais lamang ni Alvarez na i delay ang proseso at pagwatak-watakin ang House of Representatives.
Kinu-kwestiyon kasi ni Alvarez ang legitimacy ng nagpapatuloy na “people’s initiative” para amyendahan ang saligang batas.
Itinuro din ni Alvarez na may kinalaman si House Speaker Martin Romualdez lalo na sa pangangalap ng pirma sa ibat ibang lugar sa bansa.
Ang nasabing alegasyon ay mariin ng itinanggi ni Speaker Romualdez.
Ayon pa kay Alvarez hindi niya maintindihan kung bakit kailangan amenyandahan ang saligang batas partikular ang economic provisions.
Binuweltahan din ni Suarez si Alvarez sa walang basehan na alegasyon nito kay Speaker Romualdez na siya umanong pasimuno sa Peoples Initiative.
Sinabi ng Kongresista walang konkretong ebidensiya si Alvarez sa akusasyon nito kay Speaker.
Pinaalalahanan ni Suarez si Alvarez na nuon siya ay nagsusulong din ng pag-amyenda ng Saligang Batas nuong Duterte administration.
Napag-alaman na bumuto din si Alvarez ng pabor sa Resolution of Both Houses No. 6 nuong March 2023 na nagsusulong ng Constitutional Convention o Con-Con para sa Cha Cha.
Kinuwestiyon din ni Suarez ang motibo ni Alvarez.
Pinuna din ni Suarez ang biglaang pagbaliktad ni Alvarez at aniya’y wild, baseless and reckless” na alegasyon laban kay Speaker Romualdez.
Umapela naman si Suarez sa mga kapwa mambabatas na manindigan sa commitement na maisulong ang pag amyenda sa Saligang Batas.
Samantala, pinasinungalingan din ni Suarez ang paratang ni Alvarez na inilipat sa unprogrammed funds ang pondo para sa infrastructure projects ng mga congressional district na hindi bahagi ng supermajority.
Naalarma kasi si Alvarez sa paglaki ng unprogrammed funds na kahalintulad na ng pork barrel.
Tugon ni Suarez “The use of unprogrammed funds strictly adheres to transparent and legal processes. Our commitment to financial transparency is unwavering, and every allocation and reallocation undergoes rigorous scrutiny to ensure adherence to established protocols.”
Wala rin ani Suarez na distriminasyon sa paglalaan ng pondo sa mga miyembro ng Kamara na hindi kasama sa supermajority.