-- Advertisements --

Binatikos ni House Deputy Speaker David Suarez si Senadora Imee Marcos matapos umanong mistulang nakawan ang apat na milyong mahihirap na Pilipinong benepisiyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Sa pagdinig ng House Committees on Public Accounts at Social Services, inusisa ni Suarez ang Department of Social Welfare and Development hinggil sa P13 billion pesos sa ilalim ng 2023 National Budget na para sa 4Ps ngunit na-realign sa ibang social amelioration programs.

Sinabi ni Suarez, naaprubahan ng Kamara ang bersyon na walang ginalaw sa pera ng 4Ps ngunit pagdating sa Senado ay natapyas umano ang 13 billion pesos kaya apektado ang 843,000 families.

Dapat aniya ay buwan-buwan na natatanggap ng mga benepisiyaryo ang assistance dahil kapag nagkaroon ng “gap” ay maaaring lumala ang antas ng kahirapan.

Hindi umano niya masikmura ang ginawa ni Senadora Marcos dahil sa pagnanakaw sa mga mahihirap na hindi nakatanggap ng cash aid.

Idinagdag naman ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos na lumawak ang deficit ng DSWD sa 4Ps program sa siyam na bilyong piso mula sa dapat ay isang bilyong piso lamang.

Punto ni Abalos, inirekomenda sa Senado ang pagtapyas ng walong bilyong piso dahil mababa ang utilization rate at inilipat sa ibang programa tulad ng Assistance to Individuals In Crisis Situations o AICS at quick response sa mga kalamidad.

Sumang-ayon naman si DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang 4Ps program ay hindi lamang amelioration program kundi nakabase sa batas at ang layunin ay makatawid sa threshold ng kahirapan ang mga naka-enroll na pamilya.