NAGA CITY – Sugatan ang isang drug suspect matapos mauwi sa engkwentro ang isinagawang search warrant operation ng mga otoridad sa Brgy. San Francisco, Iriga City, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Lyndon Bonador, 36, na residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lt. Col. Elmer Mora, hepe ng Iriga City PNP, sinabi nitong nagtamo ng tama ng bala sa kanyang dibdib at kamay ang suspek matapos itong makipagbarilan sa mga otoridad.

Ayon kay Mora, sinubukang tumakas ni Bonador ng makita ang kapulisan kung kaya nagkahabulan muna ang operating team at suspek hanggang sa tamaan ito ng bala.

Nabatid na priority ng PNP Iriga si Bonador matapos lumabas ang pangalan nito sa umano’y babagsakan sana ng P4.7 million na halaga ng shabu na una nang nakuha sa dalawang Muslim sa isinagawang operasyon ng mga otoridad noong nakaraang linggo sa Brgy. San Isidro na mula sa Paranaque.