Nilinaw ng isang medical expert na droplets pa rin ang itinuturing na pinaka-paraan ng pagkalat ng SARS-CoV-2, ang virus na nagdudulot sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Maricar Limpin, vice president ng Philippine College of Physicians, may kakayahan ang virus na bumiyahe sa maliliit na distansya, kaya mahalagang sundin ang physical distancing.
“Ang main mode talaga of transmission COVID-19 ay through droplet spray. Ibig sabihin ang particle size nito ay medyo malaki. Dahil malaki, medyo mabigat din, ang distansya na kaya niyang i-travel ay maiksi lang.”
Ang pahayag na ito ng eksperto ay kasunod ng pagbawi ng Centers for Disease Control and Prevention ng Estados Unidos (US CDC) sa kanilang pahayag na airborne ang transmission ng sakit.
Sa isang report, sinabi ng US CDC na patuloy pa rin nilang pinag-aaralan kung nakukuha nga ba sa hangin ang COVID-19.
Bukod sa droplet spray, itinuturing din na mode of transmission ng SARS-CoV-2 virus ang fomites o mga bagay na hinahawakan ng tao.
“Kaya ang recommendation natin ay 1-meter distancing kasi sa droplet spray ang virus ay pwedeng dalhin sa 6-feet or less.”
“It shows ‘yong importansya ng physical distancing na gusto nating ma-maintain. Sa 1-meter distance na ‘yan sinisiguro natin ang chance na makuha natin ang infection ay less.”