CAUAYAN CITY – Namatay ang isang lalaki habang nasugatan ang angkas nito matapos maaksidente sa sinasakyan nilang motorsiklo sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Barangay Cabaruan.

Ang namatay ay si Christian Curameng, 27, may-asawa, tsuper ng motorsiklo habang nasugatan naman ang sakay na si Maximo Alejandro, 24, binata, tricycle driver at kapwa residente ng Barangay Salay, Angadanan, Isabela.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station, binabagtas ng mga biktima sakay ng motorsiklo ang nasabing lansangan patungong timog nang makarating sila sa pinangyarihan ng aksidente ay nabangga nila ang isang poste na naging dahilan ng pagkakahulog ni Alejandro.

Matapos sumalpok sa poste ay bumangga pa ang motorsiklo sa likod ng isang forward truck na nakaparada sa gilid ng daan.

Agad namang dinala sa pagamutan ang mga sugatan para malapatan ng lunas subalit namatay rin si Curameng.