Sumuko na sa Balayan Municipal Police Station ang driver at personal bodyguard ni Police Major Allan De Castro, ang pangunahing suspek sa pagkawala ni Miss Grand Philippines 2023 Candidate Catherine Camilon.
Isa rin ang driver na kinilalang si Jeffrey Magpantay sa mga suspek sa kaso. Kinilala rin siya ng 2 saksi na nanutok sa kanila ng baril nang makita ang isang duguang babae na dinala sa isang pulang SUV.
Ayon kay Balayan police chief Maj. Domingo Ballesteros, Jr. na pinili ni Magpantay na manatili sa kustodiya ng pulisya para sa anumang legal na paglilitis.
Sinabi pa ni Ballesteros na komportable si Magpantay sa pananatili sa loob ng himpilan ng pulisya dahil nakatira ang kanyang pamilya sa Balayan. Bibigyan naman siya ng kwarto habang nananatili sa istasyon.
Hindi naman ibinunyag ni Magpantay kung may banta sa kanyang buhay at tumangging magbigay ng pahayag.
Nilinaw ng pulisya na hindi siya nakakulong dahil walang mga kasong kriminal laban sa kanya.
Samantala, ipinagpatuloy naman sa Batangas Provincial Prosecutor Office ang preliminary investigation sa mga reklamong inihain laban sa mga suspek.
Kasama ng mga magulang at kapamilya ni Camilon ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 4A na dumalo sa preliminaty investigation.
Kung saan malugod na tinanggap ng ina ni Camilon ang pagsuko ni Magpantay.