CAUAYAN CITY – Inaresto ang isang driver at kasama nitong helper matapos umanong nakawan ang pinagtatrabahuan nilang distributor company sa Minante 2, Cauayan City.
Kinatawan ni Bryan Camit ang kanilang employer, 39-anyos, may asawa, sales supervisor ng Aileen Paul Marketing at residente ng Baringin Sur, Cauayan City na nagreklamo laban sa mga pinaghihinalaan.
Ang mga pinaghihinalaan ay sina Garry Haligao, 30-anyosg, may-asawa, truck driver at residente ng Aguinaldo, Ramon, Isabela at kanyang helper na si Jonel Dizon, 21-anyos, may asawa at residente ng Yeban Norte, Benito Soliven, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, nag-double check ang company checker na si Jaypee Rivera sa mga produktong idedeliver sa City of Ilagan ng mga pinaghihinalaan nang madiskubre nitong nawawala ang isang box ng gatas kaya inireport nita ito sa kanilang inventory manager at sa CCTV operator.
Nagsagawa sila ng CCTV footage review at nakita nila ang dalawang pinaghihinalaan na kinuha sa warehouse ang nawawalang box at itinago sa kanilang close van truck.
Dahil dito ipinasakamay sa himpilan ng pulisya ang dalawang pinaghihinalaan.
Batay naman sa pinaghihinalaan na si Haligao, hindi nila intensyon na magnakaw kundi sadyang nagbatay lamang ang mga biktima sa CCTV footage at hindi sa kanilang paliwanag.
Kasama niya sana ang helper na magdedeliver sa probinsya ng Quirino at sila ang nagsasagawa ng loading at aksidente nilang naikarga ang isang box sa kanilang gamit na truck.
Hindi pa sila nakakaalis nang madiskubre ng checker na nawawala ang isang box ng gatas at maari naman itong ibaba kaagad upang ibalik subalit kaagad silang ipinakulong.
Matagal na silang nagtatrabaho sa naturang distributor company at hindi nila magagawang magnakaw.
Sa katunayan aniya ay sila rin ang tumatanggap ng perang bayad mula sa mga grocery store owners na kanilang pinag-dedeliveran ng mga produkto.
Alam din nilang mayroong CCTV Camera sa naturang tanggapan na makikita kung sila ay magnakaw.
Sa tagal nila sa trabaho ngayon lamang nila maranasang mapagbintangan na nagnakaw.