ILOILO CITY – Binuweltahan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang umano’y overpriced na Iloilo Convention Center.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo sinabi ni Drilon na taktika lamang ng Pangulo ang bantang imbestigasyon para ilihis ang atensyon ng publiko sa umano’y maanomalyang pagbili ng PS-DBM ng COVID-19 supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ayon kay Drilon, masyado nang huli si Duterte sa balita dahil naimbestigahan na ng Senate Blue Ribbon Committee ng Senado noong 2014 ang alegasyon na ito.
Ayon kay Drilon, napatunayan ng Office of the Ombudsman noong 2015 na walang anomaliya sa pagpapatayo ng Iloilo Convention Center.
Sa katunayan, ang Senate Whistleblower na si dating Iloilo Provincial Administrator Manuel Mejorada ay convicted na sa kasong libel.
Nanindigan naman si Drilon na hindi titigil ang Senate Blue Ribbon Committee sa pag-imbestiga sa Pharmally kahit ilihis pa ni Duterte ang isyu.