Kumpyansa si Dr. Anthony Fauci, top infectious disease expert sa Estados Unidos, na magkakaroon na ng coronavirus vaccine sa susunod na taon.
Pahayag ito ni Fauci sa harapan ng House of Representatives subcommittee kung saan sinabi niya na sigurado siyang makakagawa na ng bakuna laban sa deadly virus bago matapos ang taong 2020.
Posible rin umano na maging handa ang ligtas at epektibong pamamahagi ng gamot sa 2021 ngunit huwag daw asahan na kaagad magkakaroon ng mass vaccination sa buong Amerika.
Ani Fauci, may mga prayoridad silang kailangan unahin base sa rekomendasyon ng mga scientific advisers.
Nasa huling phase na ng human trial ang vaccine na dini-develop ng National Institutes of Health katuwang ang Moderna, isang pharmaceutical firm sa US.
Nasa final stage na rin ng development ang iba pang potential vaccine na gawa naman ng Britanya at China.
Una nang inanunsyo ng European Union na nagkaroon ito ng kasunduan sa French drug make na Sanofi na siyang magsu-supply sa EU ng 300 milyong doses ng gamot.
Dahil dito ay magkakaroon ng option ang 27 EU member states na bilhin ang bakuna, ayon sa European Commission.
Samantala, bumuo naman ang France, Germany, Netherlands at Italy ng grupo na tutulong sa pagbili ng COVID-19 vaccine.
Nakipagtulungan ang mga ito sa AstraZeneca upang magbigay ng aabot sa 400 miyong doses ng bakuna sa mga bansa na nasa ilalim ng EU.