-- Advertisements --

Minamadali na raw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isinasagawang pagsasaayos sa mga kalsadang na-damage matapos tumama ang magnitude 7 na lindol sa Abra noong Miyerkules.

Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, dalawa pa lamang daw kasing kalsada sa Region 1 at Cordillera Administrative Region (CAR) ang kanilang naisaayos.

Mula ito sa 21 national road sections sa CAR at Region 1 na kinabibilangan ng national primary at secondary roads.

Sa ngayon, patuloy na rin umanong isinasaayos ang Tagudin-Cervantes Road at Halsema Highway.

Posible raw matapos ito mamayang hapon at madaanan na ang kahit isang lane lamang.

Ang mga kalsada naman na cleared na kahapon ay kinabibilangan ng 3 kalsadang patungong Baguio.

Pero sarado pa rin sa mga motorista ang Kennon Road dahil sa safety reasons kasunod na rin ng mga nararanasang pag-ulan.

Siniguro naman ng DPWH chief sa publiko na ang lahat ng mga tulay sa northern Luzon ay intact pa rin at ligtas na daanan.

Sa pagtaya naman ng DPWH, ang partial cost ngayon ng mga road damages ay papalo na sa P396.58 million.

Kinabibilangan ito ng damage sa national roads sa Cordillera Administrative Region (CAR) At Regions I at II came na P104.53 million ang danyos habang ang damage naman sa national bridges ay papalo sa P292.05 million.

Samantala, ipinag-utos na rin daw sa kanila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-assess Din ang iba pang public buildings gaya ng mga paaralan at mga ospital.

Aniya, ang paggamit daw sa dalawang ospital sa Abra ay nananatiling restricted sa ngayon.

Sa pinsala naman sa mga historical sites na nagtamo ng damage dahil sa Lindol, patuloy daw na nakikipag-ugnayan ang DPWH sa National Historical Commission of the Philippines para sa isasagawang rehabilistasyon.

Ang mga na-damage na historical sites ay kinabibilangan ng Calle Crisologo houses sa Vigan, Bantay at Laoag bell tower, Sarrat Church, Vigan Cathedral at Sarrat heritage municipal hall.