Wala pang itinakdang deadline ang pamahalaan para sa modernisasyon ng mga pampasaherong dyip sa bansa.
Ito ang nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) sa gitna ng nagpapatuloy na pag-aaral ng mga awtoridad sa updated timetable para matiyak ang patas na transition.
Ang malinaw aniya sa ngayon ayon kay Transportation Undersecretary Timothy John Batan ay ang deadline ng consolidation ng mga prangkisa ng mga modernong dyip sa katapusan ng Disyembre ng kasalukuyang taon.
Paliwanag pa ng opisyal na ina-assess pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung paano mai-convert ng patas ang tradisyunal na dyip sa modernong units.
Sa kabila nito, sinabi ng DOTr official na ang layunin ng modernization program ay nananatiling pareho na matugunan ang concern sa kaligtasan ng mga pasahero at epekto sa kalikasan.
Batay sa kasalukuyang datos ng pamahalaan, nasa 98,801 ng 150,000 dyip at 72% ng 19,000 UV Express units na targeted para sa modernization ang consolidated na.