Nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) nitong Linggo na kanilang ipatutupad ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ng mga jeepney driver at operator na itigil ang programa.
Sinabi ito ni DOTr Undersecretary Andy Ortega dalawang araw bago matapos ang application period para sa conslidation ng mga individual PUV operators para bumuo ng mga transport cooperative o corporations sa Abril 30.
Hiniling ng transport group na PISTON nitong Martes sa Korte Suprema na aksyunan ang kanilang petisyon para sa temporary restraining order (TRO) laban sa PUVMP.
Noong Disyembre 2023, matatandaan na hiniling ng PISTON at iba pang transport group sa Mataas na Hukuman na isawalang bisa ang ilang government transportation agency issuances at mag-isyu ng TRO para pigilan ang mga respondent na ipatupad ang nasabing mga isyu.
Nauna nang sinabi ng SC na nasa deliberasyon pa ang mga petisyon ng PISTON.
Bilang protesta sa PUVMP at sa nalalapit na deadline ng konsolidasyon sa Abril 30, inihayag ng PISTON na magsasagawa sila ng tatlong araw na welga sa buong bansa mula Abril 29 hanggang Mayo 1.
Ang PUVMP, na nagsimula noong 2017, ay naglalayong palitan ang mga jeepney ng mga sasakyan na may hindi bababa sa Euro 4-compliant na makina para mabawasan ang polusyon at palitan ang mga PUV na hindi karapat-dapat sa kalsada ayon sa mga pamantayan ng Land Transportation Office.
Sa ilalim ng programa, ang mga jeepney driver at operator ay kinakailangang sumali o bumuo ng mga kooperatiba. Maaari rin silang mag-apply para sa mga bagong prangkisa ngunit bilang bahagi ng mga transport cooperative.