Magsasagawa ng mobile COVID-19 vaccination drive ang Department of Transportation (DOTr) sa loob ng limang araw na tatawaging “We Vax as One: Mobile Vaccination Drive”.
Katuwang ng ahensya ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Isasagawa ang naturang bakunahan sa darating na Enero 24 hanggang Enero 28 na gaganapin naman Gate 4 ng PITX mula alas-otso ng umaga hanggang alas-dose ng hapon.
Layon ng naturang programa na mabakunahan laban sa COVID-19 ang mga pasahero at transport workers kung saan ay nasa 500 na mga doses ng AstraZeneca vaccine ang kanilang ilalaan kada araw.
Bukas naman ang nasabing bakunahan para sa mga walk-in applicant maging sa mga nagnanais na magpaturok ng booster shot.
Magugunita na noong July 31, 2021 unang nagsagawa ang DOTr ng kaparehong bakunahan drive sa loob ng anim na magkakasunod na linggo na ginanap din sa PITX na nilayon na mabakunahan laban sa COVID-19 ang mga public utility vehicle (PUV) drivers, kundoktor, at iba pang mga kawani ng transporstasyon.