Sasagutin ng Department of Tourism (DOT) ang kalahati sa halaga ng COVID-19 tests ng mga turista sa Philippine General Hospital (PGH).
Base sa kasunduan na kanilang nilagdaan, sasagutin ng DOT ang 50 percent ng P1,800 halaga ng RT-PCR testing ng PGH para sa mga turista.
Required kasi ngayon para sa mga babiyahe sa iba’t ibang lugar sa bansa ang pagkakaroon ng negative COVID-19 test result.
Ayon sa DOT, nasa 11,000 qualified domestic tourists ang maaring magpakuha ng RT-PCR test sa PGH.
Layon aniya ng programa nilang ito na maibalik ang kumpiyansa sa ligtas na pagbiyahe at suportahan din ang gradual opening ng ilang domestic travel destination.
Para ma-avail ang 50 percent subsidy, kailangan lamang ng mga turista na magparehistro sa https://www.tpb.gov.ph/rtpcrphtravel/ limang araw bago ang kanilang scheduled na pag-alis.
Kailangan din ng mga ito na magsumite sa naturang website ng kopya ng kanilang valid government-issued ID, kopya ng kanilang confirmed accomodation booking at transportation ticket pabalik sa kanilang pinanggalingan.
Ang mga turista na may approved application ay makakatanggap ng email mula sa UP-PGH para gamitin sa pag-access sa kanilang online Client Investigation Form sa https://cif.pgh.gov.ph .
Pagkatapos nito ay bibigyan din ng notification ang isang applicant para sa kanila namang swab test schedule.
Ayon kay Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, nasa P9.99 billion ang pondong inilaan nila para sa kanilang pagbibigay ng subsidy sa RT-PCR testing ng mga turista sa PGH.