LEGAZPI CITY – Pumalo na sa P6 billion ang tourism revenue na nawala sa Bicol dahil sa epekto ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) kaugnay ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Department of Tourism (DOT) Bicol Director Benjamin Santiago sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, para sa buwan lamang ng Abril at Mayo ang naturang halaga at habang nagtatagal ang ECQ ay mas lalong lumalaki ang pagkalugi sa turismo.
Inasahan na ang epekto nito sa ekonomiya ng Bicol dahil isa ang rehiyon sa mga lugar sa bansa na umaasa sa magandang buhos ng turismo.
Kaugnay nito, inihahanda na rin ng ahensya ang mga hakbang para sa muling pagpapalakas ng sektor sakaling matapos na ang pandemic.
Magiging posible aniya ito sa pamamagitan ng paglalaan ng Kongreso ng pondong gagastusin sa mga tourist attractions sa buong bansa.
Aminado si Santiago na maaring matagalan pa ang pagbabalik sa normal ng naturang sektor sa bansa dahil naka-lockdown pa ang maraming bansa habang wala ring panggastos sakaling sa lokal na turista man umasa.