-- Advertisements --

Sumalang na nitong Miyerkules sa Kamara ang Dept of Tourism (DOT) para sa kanilang budget briefing and deliberation.

Umaasa si Tourism Sec. Christina Frasco na maaprubahan ang kanilang budget proposal para sa taong 2023.

Sa presentasyon ni Sec. Frasco, ibinahagi nito na kabuuang P3.573 billion ang panukalang pondo ng DOT at attached agencies nito para sa susunod na taon mula sa original proposal na P12.2 billion.

Ayon sa kalihim ang pondong ito ay gagamitin para palakasin pa ang industriya ng turismo upang maging isa sa major economic pillars of recovery mula sa pandemiya at maipakilala ang Filipino brand salig na rin sa pahayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kanyang SONA.

Nasa P3.2 billion ng pondo para sa Office of the Secretary, P59.7 million para sa Intramuros Administration, P198.9 million para sa National Parks Development Committee at P9.5 million naman ang para sa Philippine Commission on Sports Scuba Diving.

Kabilang naman sa 7 point agenda ng DOT para mapagbuti ang industriya ng turismo ng Pilipinas ang improvement sa tourism infrastructure at accessibility, digitalization at connectivity, at pagpapalakas sa domestic tourism.

Ibinahagi rin ni Frasco na mula February 10, 2022 kung kailan binuksan muli sa foreign tourist ang leisure travel sa bansa, hanggang August 28, umabot na sa 1.352 million ang mga dayuhang turista ang bumisita sa bansa at inaasahang tataas pa ng hanggang 1.7 million sa pagtatapos ng taon.

Kapwa naman isinusulong nina Minority Leader Marcelino Libanan at Albay Rep. Edcel Lagman na maitaas ang pondo ng DOT lalo na para sa mga infrastructure development.