-- Advertisements --

MANILA – Tiniyak ng Department of Science and Technology (DOST) na walang magiging gusot sakaling magkasabay ang clinical trials at rollout ng COVID-19 vaccines sa bansa.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng inaasahan nang pagsisimula ng pagbabakuna laban sa coronavirus.

Pati na sa inaabangang Solidarity Vaccine Trials ng World Health Organization.

“It should be noted that the vaccination program will prioritize healthcare workers (and) the elderly and vulnerable,” ani DOST Usec. Rowena Guevara.

“The inclusion criteria for WHO SVT does not include these groups, so wala tayong conflict,” dagdag ng opisyal.

Ayon kay Guevara, hanggang sa ngayon ay isinasapinal pa rin ng WHO ang pagpili sa mga bakunang gagamitin sa kanilang inisyatibong Phase III trials.

“Malaki kasi yung naging epektibo nitong variants, at kapag double-dose ang vaccines.”

Sa panig naman ng gobyerno ng Pilipinas, ilang aberya rin daw ang naitatala kaya hindi pa masimulan ang pag-aaral sa mga bakuna.

Kabilang na rito ang mataas na demand sa trial staff personnel at pabago-bagong case rates ng COVID-19 sa Metro Manila.

Bukod dito, hindi pa rin umano ipinapasa ng WHO ang final protocol na naglalaman ng standard operating procedures ng clinical trial.

“They have been drewing preparatory activities since last year. And we have been in touch with WHO SVT global lead.”

Oktubre ng 2020 nang unang i-anunsyo ng Department of Health ang schedule ng Solidarity Vaccine Trials. Naurong pa ito ng Disyembre at Enero ng 2021.

Habang hinihintay ang pagsisimula WHO clinical trials, sinabi ni Guevara na patuloy ang coordination meeting sa pagitan ng vaccination team at mga alkalde sa Metro Manila.

WHO DOST
IMAGE | DOST presentation/Screengrab, DOH

Ilan sa mga napag-usapan na ay ang paghahanda ng secondary trial sites at mga ospital para sa magkaka-adverse effect.

Lumakad na rin daw ang online trainings para sa mga healthcare workers at hospital site team leaders.

Mula 4,000, inakyat ng WHO sa 15,000 ang bilang ng clinical trial participants para sa Solidarity Vaccine Trials.

“Ang WHO trial may placebo, ang kalahati ay bibigyan ng vaccine under trial. Pero dahil nag-uumpisa na tayo ng rollout, baka ang mangyari ay yung ‘non-inferiority trial’ na ang itatapat ay yung may EUA na vaccine.”

Magugunitang inamin ni Vaccine czar Carlito Galvez na made-delay ang pagdating ng libreng coronavirus vaccines mula COVAX Facility dahil sa kulang na indemnification agreement.

Naniniwala naman ang Malacanang na may darating pa ring supply ng COVID-19 vaccines ngayong buwan.