Nagpaliwanag ang Department of Science and Technology (DOST) matapos maalarma ang mga konsyumer sa resulta ng kanilang pagsasaliksik sa ilang brand ng suka.
Ayon kay DOST Sec. Fortunato dela Peña, layunin ng ginawa nilang research na makabuo ng bagong sistema ng pagtukoy sa substance na nilalaman ng mga produkto.
Nagkataon lang din daw na mga brand ng suka ang dumaan sa kanilang isotope analysis technique.
Lumabas sa pag-aaral ng Philippine Nuclear Research Institute ng DOST na may 14 mula sa 17 vinegar brand ang nagamit ng artificial acetic acid para umasim ang produkto.
Bagamat sinabi na ng Department of Health na wala pang datos na makapagsasabing mapanganib sa kalusugan o nakapagdudulot ng sakit ang acetic acid sa suka, ay may banta pa rin daw ito kapag labis na na-expose sa naturang produkto ang katawan ng isang tao.
Dagdag naman ni Dela Peña, mapanganib din sa kalusugan kung ang acetic acid na ginamit ang naka-base sa petroleum chemicals.
Sa ngayon patuloy daw ang koordinasyon ng DOST sa ilang ahensya ng gobyerno para matutukan ang distribusyon ng naturang brands sa merkado.