-- Advertisements --
Taal crater

CAUAYAN CITY – Ipinagtanggol ni Secretary Fortunato dela Peña ng Department of Science and Technology (DOST) ang Philippine Institute of Seismology and Volcanology (Phivolcs) mula sa mga pagbatikos ni Vice Mayor Charlie Natanauan ng Talisay, Batangas.

Ito ay kaugnay ng reaction ni Vice Mayor Natanauan sa prediction ni Phivolcs Director Renato Solidum na posibleng magkaroon ng mas malakas na pagsabog ang bulkang Taal kaya pinagbabawalan ang mga evacuees na bumalik sa kanilang mga lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dela Peña na may kanya-kanyang opinion at papel sa buhay ang tao.

Ginagawa aniya ng mga eksperto sa Phivolcs ang kanilang trabaho at halos hindi na matulog para maibigay sa taumbayan ang kanilang obserbasyon at analysis sa aktibidad ng bulkang Taal.

Sinabi pa ni dela Peña na hindi maaalis ang mga kristisismo matapos na ideklara ng Phivolcs ang no man’s land sa 14 kilometer radius danger zone dahil marami ang apektado.

Iginiit niya na hindi puwedeng isakripisyo ang buhay ng mga tao kapag nagkaroon ng malakas na pagsabog ang bulkang Taal.

Noong 1965 aniya na nagkaroon ng malakas na pagsabog ang bulkan ay umabot sa 1,500 ang mga nasawi matapos silang matabunan ng lava.

Ayon kay Secretary dela Peña, kailangang magtiwala ang taumbayan sa Phivolcs na may mandato na i-monitor at obserbahan ang aktibidad ng bulkang Taal.