-- Advertisements --

MANILA – Tiniyak ng Department of Science and Technology (DOST) ang suporta sa ginagawang monitoring ng pamahalaan sa bagong strain ng coronavirus disease (COVID-19) na natukoy sa United Kingdom.

Ngayong araw, nagsimula nang ipatupad ang temporary travel ban ng inbound flights sa Pilipinas mula UK dahil sa banta ng B117 strain.

“May surveillance tayong ginagawa randomly sa mga nagpo-positive, para makita yung composition ng virus,” ani Dr. Jaime Montoya, executive director ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD).

Paliwanag ng opisyal, normal ang mutation o pagbabago ng anyo ng mga coronavirus.

Ang kailangan lang daw tutukan ngayon ay kung gaano kalaki ang magiging epekto ng impeksyon nito sa tao.

“Ang SARS-CoV-2 virus ay nagkakaroon ng mutation as more and more people use them, so expected ‘yan.”

“Ang question na lang ay kung ito ay malaki o maliit na pagbabago, na may epekto sa kanyang behavior. Halimbawa sa sakit, kung ito ay nakamamatay o may (dalang) komplikasyon.”

Ang Philippine Genome Center ang abala ngayon sa proseso ng “gene sequencing” o pagtukoy sa identity ng virus.

Magugunitang sila rin ang nakatuklas noong Hunyo sa D614G mutation ng SARS-CoV-2 virus sa ilang confirmed cases dito sa Pilipinas.

Kinumpirma ni Dr. Montoya ang ulat ng Department of Health (DOH), na wala pang naitatalang kaso ng bagong strain ng COVID-19 sa Pilipinas.

Nilinaw naman ng DOST-PCHRD chief na maaga pa para masabing may epekto sa development ng COVID-19 vaccines ang B117 strain.

“Hindi natin masabi sa ngayon, but again base sa ni-release na resulta sa UK, mukhang walang epekto sa sakit mismo, although mas nakakahawa siya.”

“Tingin ko wala pang magiging epekto sa efficacy ng vaccines. Ige-genomic analysis yung mga viruses at kung imo-monitor din natin yung levels of antibodies sa ilang pasyente para makita natin yung epekto ito sa efficacy ng vaccines.”