Nagsimula na nitong Sabado ang Department of Science and Technology (DOST) sa clinical trial nito sa virgin coconut oil bilang agent laban sa virus ng COVID-19.
Ayon kay DOST Sec. Fortunato dela Pena, may anim na pasyente na mula sa partner ng kagawaran na Sta. Rosa Community Hospital sa Laguna ang nagpahayag na sumali sa nasabing trial.
Target daw sana ng ahensya na masailalim sa clinical trial ang 90 pasyente, kung saan kalahati sa kanila ay bibigyan ng VCO treatment.
Sa loob ng 28 araw, hahaluan ng VCO ang pagkain ng mga pasyenteng kasali sa trial.
Ang Food and Nutrition Research Institute ang nakatalaga sa pamamahagi ng pagkain sa mga pasyente, habang ang Philippine Coconut Authority ang magsusupply ng unbranded VCO.
Tatlong beses din silang kukunan ng dugo ang mga participants ng trial para makita kung nagkaroon ng mabuti o hindi magandang reaksyon ang VCO.
Ang nasabing trial ay bunga raw nang approval ng ethics board.
Una ng sinabi ni Dr. Jaime Montoya ng Philippine Council on Health Research and Development na matagal nang pinag-aaralan ang langis ng niyog dahil sa antiviral properties nito.
Ang lauric acid at monolarium na component ng VCO ay minsan na raw ginamit sa ilang HIV patients ng San Lazaro Hospital noon.
Nakitaan umano ng improvement ang ilang pasyente matapos bigyan ng VCO treatment.
Bukod sa VCO, pinag-aaralan na rin daw ng DOST ang antiviral properties ng dahon ng lagundi at tawa-tawa na ginagamit ngayon bilang health supplement.