-- Advertisements --

Nagpakawala ang puwersa ng Russia ng 367 drones at missiles sa iba’t ibang lungsod ng Ukraine, kabilang ang kabisera na Kyiv, sa pinakamalaking aerial attack mula nang magsimula ang digmaan. 

Hindi bababa sa 12 katao ang nasawi at dose-dosenang iba pa ang nasugatan, ayon sa mga opisyal.

Kabilang sa mga nasawi ang tatlong bata mula sa hilagang rehiyon ng Zhytomyr, ayon sa mga lokal na opisyal. 

Samantala, nanawagan naman si Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy sa Estados Unidos na magsalita laban sa Russia at kay Vladimir Putin, lalo na’t naging mas banayad umano ang pampublikong tindig ng U.S. mula nang maupo si Pangulong Donald Trump.

Ito ang pinakamalaking pag-atake sa digmaan batay sa dami ng armas na pinakawalan, bagamat may mga naunang pag-atake na mas maraming nasawi. 

Inihayag ni Interior Minister Ihor Klymenko, 12 ang nasawi at 60 ang sugatan. Nauna nang iniulat ng mga lokal na awtoridad na 13 ang namatay.

Naganap ang pag-atake habang nagsasagawa ang Ukraine at Russia ng ikatlo at huling araw ng prisoner swap ng tig-1,000 bilanggo. 

Tinuligsa ni US Special Envoy Keith Kellogg ang pag-atake bilang malinaw na paglabag sa 1977 Geneva Peace Protocols at nanawagan ng agarang tigil-putukan.