Patuloy ang koordinasyon ng Department of Science and Technology (DOST) sa manufacturer ng locally-developed COVID-19 test kits para sa mass production ng murang kits.

Sa ngayon kasi hinihintay pa rin ng DOST at Manila HealthTek Inc. ang approval ng Food and Drug Administration (FDA) sa mga bagong kits na ginawa ng kompanya.

Kung maaalala, inamin ng Department of Health (DOH) noong nakaraang buwan na pinabawi muna ang unang batch ng test kits na ibinahagi sa mga ospital at testing laboratories.

Nadiskubre kasing kontaminado ang reagents o chemical substance kung saan hinahalo ang samples na kinuha mula sa isang taong tinest.

Sa reagents na ito magre-react ang samples at makikita ang resulta kung negatibo o positibo sa sakit.

“Yung unang mga imported na raw material ay nagkaroon ng contamination, so yan ay ginamit. Pinalitan naman ng ating supplier, actually hindi lang naman Pilipinas ang naapektuhan, ang daming sinupplyan.”

“When the new materials came in, ni-require uli ng panibagong validation from RITM (Research Institute for Tropical Medicine) and eventually FDA.”

May inisyal daw na pangakong 6,000 test kits kada araw na ipo-produce ang nasabing kompanya.

Sa ngayon pumapalo raw sa 8,000 kits kada araw ang nagagawa ng Manila HealthTek, Inc.