Bahagyang nabawi na ng Department of Science and Technology (DOST) ang access sa kanilang network na tinarget ng mga hacker na pinaniniwalaang nago-operate dito sa Pilipinas.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Assistant Secretary Renato Paraiso, kasalukuyang nirerekober na ng kanilang team ang buong kontrol sa sistema ng DOST para maimbestigahan na ang naturang hacking incident.
Una ng sinabi ng DICT official na na-block ang IT administrators at empleyado ng DICT mula sa pag-access ng 2-terabyte na data kabilang ang research plans, schematics at designs kasunod ng cyberattack na na-detect kahapon, Abril 3 bandang alas-11 ng gabi.
Sa kasalukuyan, inihiwalay na ng DICT ang sistema at devices na maaaring naapektuhan ng cyberattack.
Ininspeksiyon na rin ng kanilang grupo ang WiFi network bilang cybersecurity measure.