-- Advertisements --

Nilinaw ni Department of Science and Technology (DOST) Sec. Fortunato dela Peña na wala ring magbabago sa mantado ng kanilang mga opisyal at eksperto na nakatalaga para sa COVID-19 vaccines.

Pahayag ito ng kalihim sa gitna ng mga kwestyon kung paano tutugunan ni National Task Force against COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez ang pagiging vaccine czar.

“We were told that we will carry on with our role in evaluation and selection. We will just stick to our assignment and siguro magtiwala kayo sa aming mataos na pagsunod sa aming trabaho,” ani Dela Peña sa isang media forum.

“Basta kami binigyan ng kanya-kanyang assignment, kami (DOST) raw ay sa evaluation at selection.”

Paliwanag ng kalihim, hindi lang naman naka-sentro sa agham at kalusugang aspeto ang usapin ng bakuna. Parte rin daw kasi nito ang aspeto ng ekonomiya pagdating sa pagpo-pondo at paggastos.

Suportado ng Science secretary ang appointment ni Pangulong Duterte kay Galvez, at para sa kanya makakatulong ang pamumuno ng opisyal para sa pag-aangkat at distribusyon ng bakuna.

“Kami ay naniniwala na makabubuti na may vaccine czar, kahit na marami kaming involved mayroong isa sa taas na nakakaalam.”

Nakausap na raw ni Dela Peña at iba pang opisyal ng DOST si Galvez kaugnay ng magiging trabaho nito bilang vaccine czar at tiwala siya na magiging epektibo din ang pagkakaroon ng nakatalagang lider para sa bakuna.

“Nakita naman natin na nangyari na yan dahil sa pagkakaroon ng czar sa testing at iba pang aspeto na naging epektibo naman.”

Nauna nang dinepensahan ng Malacañang ang pagpili ng presidente kay Galvez, na isang retiradong heneral at chief ng Armed Forces of the Philippines bilang vaccine czar.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang karanasan ni Galvez sa logistics ang naging batayan ni Duterte sa appointment.