(Update) BAGUIO CITY – Pormal nang isinampa ng Baguio City Prosecutor’s Office ang patong-patong na kaso sa dalawang kadete ng Philippine Military Academy (PMA) at tatlong aktibong opisyal ng akademya.
Ito’y dahil sa insidente ng serye ng hazing o uri ng pagmaltrato sa loob ng akademya na nagresulta sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio noong September 18, 2019.
Batay sa 62 pahinang resolusyon ng prosekusyon, nakitaan ng probable cause para makasuhan ng murder at hazing sina Cadet Shalimar Imperial Jr., at Cadet Felix Lumbag Jr.
Sina Imperial Jr. at Lumbag Jr., ang sinasabing pangunahing nagpahirap kay Dormitorio.
Mahaharap din sa kasong murder sina Capt. Flor Apple Apostol, Major Maria Ofelia Beloy at Lt. Col. Ceasar Candelaria na pawang nakatalaga sa PMA Station Hospital.
Mahaharap naman sa mga kasong less serious physical injuries at hazing si Cadet Julius Carlo Tadena, habang mahaharap sa kasong slight physical injuries si Cadet Christian Zacarias.
Sa hiwalay na opinyon ni Assistant City Prosecutor Philip Randolf Kiat-ong, inirekomenda nito ang pagsampa din ng kasong hazing kay Zacarias.
Nakasaad sa resolusyon na ang pagkamatay ni Dormitorio ay cumulative result ng intentional acts nina Imperial Jr. at Lumbag Jr. at ng gross negligence nina Apostol, Beloy at Candelaria.
Gayunman, ibinasura ng prosekusyon ang mga reklamong isinampa laban kina Cadet Rey Sanopao, Cadet Rey David John Volante, Cadet John Vincent Manalo, sa mga tactical officers ng PMA na sina Major Rex Bolo at Captain Jeffrey Batistiana at sa mga dating opisyal ng akademya na sina Lt. Gen. Ronnie Evangelista at Brig. Gen. Bartolome Vicente Bacarro dahil sa kakulangan ng probable cause.
Kung maaalala, si Sanopao ang nagmamay-ari sa nawawalang combat boots na ipinagkatiwala kay Dormitorio.
Ayon naman kay Atty. Jose Adrian Bonifacio, abogado ng pamilya Dormitorio, natanggap na ng pamilya ang kopya ng resolusyon at ngayon ay tinitimbang ang kanilang mga option.
Dinagdag niya na ito ang kauna-unahang kaso na naisampa sa ilalim ng bagong Anti-Hazing Law.
Ang 20-anyos na si Dormitorio ay namatay dahil sa mga pambubugbog sa kanya kung saan dalawang beses itong na-confine sa PMA Station Hospital at nakitaan ang kanyang katawan ng mga sintomas ng hazing.