-- Advertisements --

Ipinagutos ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pagsasagawa ng inspeksyon sa lahat ng dormitoryo at boarding house sa Maynila kasunod ng kaso ng isang lolo na namboboso sa mga babaeng tenant.

Batay sa Executive Order No. 25 na inilabas ni Moreno, nakasaad ang pagbuo ng isang komite na sisilip sa compliance ng mga paupahang bahay o kwarto.

Kailangan umanong makita ng nasabing komite kung sumunod sa requirement ng lokal na pamahalaan ang mga establisyemento bago makapag-operate.

Kabilang sa mga sisilipin ang business permit at safety building standards gaya ng pagpasa sa Building Code, Fire Code at Ordinance No. 4765 ng siyudad.

“(The Committee) shall ensure that dormitories, boarding houses, rooms for rent and such allied businesses in the City of Manila are complying with regulatory requirements governing business operations and safety building standards, including that of the Building Code, the Fire Code and Ordinance No. 4765.”

Pamumunuan ni City Administrator Felixberto Espiritu ang nasabing inspection committee.

Nitong linggo nang maaresto ang 69-anyos na si Noe Nodalo matapos umanong mag-set up ng hidden camera sa palikuran ng kanyang pinauupahang female dormitory sa Sampaloc.

Kinasuhan na ito at kasalukuyang nakakulong sa Manila Police District.