-- Advertisements --

Umaasa si Finance Sec. Carlos Dominguez III na maaprubahan sa lalong madaling panahon ang Comprehensive Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA).

Sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF-EID) kagabi kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Dominguez na malaki ang maitutulong ng CITIRA para mahikayat ang maraming investors na pumasok sa bansa.

Mababatid na kamakailan lang ay inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 0.2 percent ang gross domestic product (GDP) rate ng bansa dahil sa mahigpit na quarantine protocols na ipinapatupad bunsod ng COVID-19 pandemic, kung saan ilang mga negosyo ang pansamantalang nagtigil ng kanilang operasyon dahilan para mawalan ng trabaho ang ilang milyong manggagawa.

Iginiit ni Dominguez na matagal nang inuupuan ng Senado ang CITIRA matapos na aprubahan ng Kamara ang panukalang batas na ito noon pang Setyembre 10 ng nakaraang taon.

Gayunman, umaasa siya na mapagtutuunan ng pansin ng Senado ang panukalang ito at maaprubahan bago mag-Hunyo 3.

Hangad ng CITIRA na bawasan ang corporate income tax rate sa mga negosyo na mag-invest sa labas ng Metro Manila.

Ayon sa DOF, tinatayang 1.5 million trabaho ang malilikha kapag maisabatas na ang CITIRA.

Layon din ng panukalang ito na ayusin ang pagbibigay ng tax incentives sa mga kompanya.

Noong 2017 lang, P441 billion, o 2.8 percent ng GDP, ang ibinigay bilang tax incentives sa 3,150 kompanya, kabilang na ang nasa elite list ng Top 1,000 corporations.

Sa oras na maging ganap na batas, magiging performance-based, targeted, time-bound at transparent ang pagbibigay ng tax incentives.