-- Advertisements --

Inatasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang may-ari at contractor ng gumuhong siyam na palapag na gusali sa Angeles City, Pampanga na magbayad ng kabuuang P11.7 milyon bilang labor-related liabilites at administrative fines.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng mga ahensiya, napatunayan nila na sina Jackson Lim at Golden Years Construction and Steelworks Corp ay may pananagutan ng nasa P1.1 milyon para sa labor standards violations at P10.3 milyon bilang administrative fine dahil sa paglabag sa occupational safety and health standards.

Lumabas din sa imbestigasyon na nagpatuloy pa rin ang mga trabahador na magtrabaho kahit na mayroong umiiral na work stoppage order ng DOLE na nag-eexpose sila sa delikadong kondisyon na magreresulta sa matinding pinsala sa katawan o kamatayan.

Nakita rin ng DOLE ang ilang paglabag sa labor standards gaya ng hindi pagbabayad ng sahod at satutory benefits , underpayment at hindi tamang pasahod tuwing rest days, Saturdays at holidays.

Nagsumite umano ang kumpanya ng peke at hindi balidong certificates para sa itinalaga nilang first aider at safety officer.

Tiniyak ni Acting Labor Secretary Francis Tolentino na kanilang ipagpapatuloy ang administrative proceedings laban sa mga official at ilang mga labor inspectors ng DOLE Regional Office III.

Una ng sinabi ni Tolentino na ang mga pamilya ng mga nasawi sa insidente ay makakatanggap ng tulong pinansiyal sa pamamagitanng Employees’ Compensation Commission (ECC).

Maguguntang gumuho ang siyam na palapag na gusali noong Mayo 24 kung saan umabot sa mahigit 20 ang nasawi na pawang mga construction workers.