Sinisiguro ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi mailalagay sa peligro ang kalusugan ng mga manggagawa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa budget ng DOLE, sinabi ng Bureau of Working Condition at Occupational Safety and Health Center na walang hinto ang kanilang isinasagawang inspeksyon sa mga workplaces kahit pa sa gitna ng public health crisis.
Ito ay matapos na sabihin ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na baka hindi na natututukan ang Occupational Health and Safety ng mga empleyado at mga manggagawa.
Pero ayon kay Labor Asec. Ma. Teresita Cucueco, katuwang ang Department of Trade and Industry at local government units ay nakapagsagawa sila ng 48,000 inspeksyon sa mga establishments at workplaces hanggang nitong August 20.
Sinabi naman ni Occupational Safety and Health Center Director Noel Binag na patuloy din ang ginagawang health and standard training ng ahensya sa mga empleyado via online.