Tila debate sa online world ang naging pahayag ng chief medical officer sa Canada hinggil sa nararapat lang na pagsuot ng face mask para sa hindi maiwasang pagtalik pa rin sa gitna ng coronavirus pandemic sa bansa.
May kaunting sumang-ayon, ngunit kapansin-pansin ang mas maraming umalma sa nasabing payo ni Dr. Theresa Tam na layuning makaiwas at huwag makahawa kung infected man ng deadly virus ang nakikipagtalik.
Ang iba’y ginawang katatawanan ang suhestyon ni Dr. Tam sa pagsasabing unan ang ginagamit bilang barrier habang nagla-love making, habang may mga umamin na bahagi ng intimacy sa mga mag-asawa o mag-partner ang paghahalikan.
Una rito, inihayag ng naturang lead doctor sa Canada na dapat tiyakin pa rin ang pagiging ligtas ng sexual health dahil kambal na ito sa pangkalahatang lagay ng kalusugan ng isang tao.
“Current evidence indicates there is a very low likelihood of contracting the novel coronavirus through semen or vaginal fluids. However, even if the people involved do not have symptoms, sexual activity with new partners does increase your risk of getting or passing Covid-19 through close contact, like kissing,” paglilinaw naman nito.
Gayunman, kahit asymptomatic o walang sintomas, nagiging isyu lang ay kapag pabago-bago ang nakaka-sex, bagay na babalik aniya sa “most common health advice” at ito ay ang paggamit ng condom bilang proteksyon naman sa HIV-AIDS.
Ayon sa Public Health Agency of Canada, mayroong 129,000 cases sa kanilang bansa at 9,135 dito ang tuluyang nasawi. (CNN)