Naniniwala si Department of Justice (DoJ) Sec. Jesus Crispin Remulla na malaki ang maitutulong ng forensic expert at United Nations (UN) special rapporteur na si Morris Tidball-Binz na kararating lamang sa Pilipinas.
Una nang sinabi ni Remulla na hindi raw pupunta sa Pilipinas ang isang United Nations (UN) expert bilang Special Rapporteur on extrajudicial summary or arbitrary executions kundi pupunta ito bilang eksperto sa field ng forensic pathology.
Nais din umano nitong tumulong sa capacity-building para sa mga medical corps.
Tutulong daw ito para sa imbestigasyon ng “wrongful death tragedies” sa Pilipinas.
Nangangailangan daw kasi ang bansa ng mga eksperto na tutulong sa law enforcement agencies sa kanilang trabaho at ito ay magandang hakbang para sa kanilang layunin.
Dagdag ng kalihim, ang accomplishments daw ni Tidball-Binz ay puwedeng maging daan para sa mga forensic pathologists sa bansa na maabot ang international standard practices.
Pangungunahan naman ng bansa ang “capacity-building” activity kasama ang mga doktor, officials at iba pang mga eksperto mula sa Department of Justice (DoJ).
Una rito, nagtungo na rin si Tidball-Binz na UN special rapporteur on extra-judicial summary o arbitrary executions sa DoJ headquarters sa Padre Faura, Manila.