Nananatiling bukas ang imbitasyon ng House Committee on Justice para kay Vice President Sara Duterte na dumalo sa pagdinig sa Abril 22, 2026, ayon kay Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro.
Layunin ng komite na marinig ang panig ng Bise Presidente kaugnay ng mga alegasyon ng “unexplained wealth” at ang pagsusuri sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Sa nakaraang mga hearing, tinalakay ng komite ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon confidential funds at mga alegasyon ng bribery.
Nakatakdang isumite ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga bank records, habang magbibigay rin ng dokumento ang Ombudsman, Securities and Exchange Commission (SEC), at Bureau of Internal Revenue (BIR) upang beripikahin ang mga ulat hinggil sa yaman ng Bise Presidente.
Iginiit ni Rep. Luistro na mahalaga ang presensya ni VP Duterte sa darating na pagdinig upang malinawan ang publiko sa mga alegasyon na nakakaapekto sa kredibilidad ng pamahalaan.
Dagdag pa niya, bukas ang komite sa anumang paliwanag na ihaharap ng Bise Presidente upang masiguro ang patas at transparent na proseso ng imbestigasyon.















