Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na gagawin nito ang lahat ng legal remedies kasabay ng pag-review sa naging desisyon ng Presiding Judge ng Navotas court kaugnay sa kaso ni Jemboy Baltazar na napatay ng Navotas cops dahil sa mistaken identity.
Ito ay matapos na iisa lamang mula sa 6 na sangkot na Navotas police sa pagbaril kay Jemboy ang hinatulang guilty sa kasong homicide habang ang isa ay naabswelto at ang 4 na iba pa ay hinatulang guilty sa illegal discharge of firearms at sinentensiyahan ng 4 na buwan at isang araw na pagkakakulong. Pero dahil naisilbi na nila ang naturang sentensiya habang naka-preventive detention sa Metro Manila District Jail sa Taguig city, ipinag-utos ng korte ang pagpapalaya sa mga ito.
Sa kabila nito, ayon kay Justice ASec. Mico Clavano na ipinag-utos ni Justice Sec. Crispin Remulla ang pag-review sa mga ebidensiya at argumento sa kaso para makita kung ano ang mga maaaring iapela.
Saad pa ni Clavano na plano ng DOJ na iakyat sa Court of Appeals ang kaso kasama ang Office of the Solicitor General na tumatayong counsel para sa pamilya Baltazar.
Aniya, base sa inisyal na assessment ng DOJ, mayroong ilang mga argumento sa desisyon na maaaring kastiguhin kabilang ang conspiracy, intent to kill at reasonableness ng naturang aksiyon ng mga sangkot na pulis at reaksiyon ng mga pulis nang tumakbo ang biktima.
Sa huli, sinabi ni Cavano na dapat maisilbi ang hustisya at ang naging desisyon sa naturang kaso sa opinion nito ay hindi umano sapat dahil ang mga sangkot na pulis ay malaya habang ang nawalan ng mahal sa buhay ang pamilya Baltazar.
Samantala, sinabi din ni ASec Clavano na mananatili naman sa ilalim ng witness protection program ng pamahalaan ang pamilya Baltazar para sa kanilang seguridad.