Menardo Guevarra
Justice Sec. Menardo Guevarra

Umiwas munang magkomento si Justice Sec. Menardo Guevarra sa inaabangang resulta ng promulgation o pagbababa ng hatol ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes sa Maguindanao massacre case.

Sa panayam ka Guevarra, sinabi nitong hindi siya maaring magkomento sa isyu dahil maaring mapangunahan niya ang itatakbo ng promulgation.

Aminado ang kalihim na wala talaga siyang ideya sa ngayon kung ano ang magiging resulta ng promulgation o kung ano ang magiging hatol ng korte sa mga akusado sa krimen.

Gayunman, naniniwala ang kalihim na ginawa ng prosecution panel ang lahat ng kanilang magagawa para maipanalo ang kaso.

Pero depende pa rin aniya ito sa magiging appreciation ni Judge Solis-Reyes kaya makabubuting sabay-sabay nating subaybayan ang magiging proseso ng promulgation sa Huwebes December 19 sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.