-- Advertisements --
REMULLA

Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na walang kapangyarihan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hulihin, i-impound at i-dispose ang mga colorum na sasakyan.

Sa isang legal na opinyon, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang Land Transportation Office (LTO) at ang Traffic Management Unit ng Philippine National Police (PNP) ang awtorisadong magpatupad ng mga patakaran at regulasyon sa trapiko sa ilalim ng Seksyon 4( 5) ng Republic Act (RA) No. 4136 o mas kilala bilang ‘Land Transportation and Traffic Code’, at Section 35(b)(8) ng RA No. 6975 o ‘Department of the Interior and Local Government Act of 1990’.

Ang legal opinion ng kalihim ay hiniling ni dating Department of Transportation (DoTr) secretary Arthur Tugade sa isang liham na ipinadala noong Marso 24.

Sinabi ni Remulla na nais tumugon ni Tugade sa Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) at sa mga liham ng National Federation Transport Cooperatives (NFTC) na kumukuwestiyon sa posisyon ng DoTr na may kapangyarihan ang LTFRB na hulihin at i-impound ang mga colorum na sasakyan.

Sinabi ng Justice secretary na ang mga tungkulin at kapangyarihan ng LTFRB ay nakapaloob na sa Section 5 ng Executive Order (EO) No. 202.

Taliwas sa posisyon ng DoTr, sinabi ni Remulla na hindi rin maaaring gamitin ng LTFRB ang Joint Administrative Order (JAO) No. 4014-01 bilang affirmation sa enforcement power ng LTFRB.

Iginiit ni Remulla na walang anumang probisyon sa batas na nagbibigay ng naturang kapangyarihan sa LTFRB, wala itong awtoridad na gamitin ang mga naturang kapangyarihan.