-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Justice na walang sinumang dayuhan ang maaaring maupo bilang independent directors sa Maharlika Investment Corporation.

Ito ang iginiit ng Justice Department sa inilabas nitong legal opinion sa Palasyo ng Malakanyang.

Sa liham na ipinadala ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez kay Presidential Management Staff Head Elaine Masukat na may petsang Pebrero 19, 2024 ay sinabi nito na ang 1987 Constitution ay isang malinaw na pagtatakda ng pamantayan para sa mga public officials at tanging ang mga mamamayang Pilipino lamang ang maaaring maging mga pampublikong opisyal at empleyado ng gobyerno ng Pilipinas.

Bukod dito ay ipinunto rin ng opisyal na walang karapatan at katapatan sa bansa at konstitusyon ang isang foreign national.

Samantala, kaugnay nito ay isinaad din ng DOJ na ang mga natural-born Filipino citizen na may dual citizenship mula sa kanilang kapanganakan ay maaring italaga bilang independent director, nang hindi na kailangan pang itakwil ang kanyang foreign citizenship.