-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na kanila pang inaantabayanan o hinihintay ang ilalabas na desisyon ng korte hinggil sa kanselasyon ng pasaporte ni Atty. Harry Roque.

Ito mismo ang ibinahagi ni Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano kung saa’y kinumpirma nitong wala pang hatol ang korte sa inihain nilang mosyon kamakailan.

Aniya’y naghihintay sila sa ilalabas na court order na mag-uutos sa Department of Foreign Affairs para maipakansela ang pasaporteng hawak ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque.

Kaya’t sa pakikipanayam pa ng Bombo Radyo Philippines sa naturang tagapagsalita ng Department of Justice, ay kanyang ipinaliwanag ang mga pagdadaanang proseso ng pagkansela sa pasaporte ng isang indibidwal.

Kanyang ibinahagi na trabaho umano ng kagawaran na maghain ng mosyon sa korte upang mapawalang bisa ang passport ng mga akusadong nasasangkot o may mga kasong kriminal.

Samantala, kaugnay pa sa isyung ng mga pasaporteng hawak umano ng abogadong si Harry Roque, nanindigan pa rin ang Department of Justice na posibleng hindi lamang iisa ang pasaporte ng dating presidential spokesperson.

Ayon kasi kay Justice Assistant Secretary Mico Clavano na ito’y hindi malayong mangyari lalo pa’t naniniwala sila na kung hindi lamang iisa ang valid passport ni Roque, malaki ang posibilidad na ang iba pa’y iligal niyang nakuha.

Kaya’t giit nila na walang ‘inconsistency’ sa pagitan ng mga naunang pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Department of Foreign Affairs hinggil sa isyu ng mga pasaporteng hawak umano ng dating tagapagsalita ni Former President Rodrigo Roa Duterte.

Maalala na naghain ng mosyon ang Department of Justice sa korte upang maipakansela ang pasaporteng inisyu at hawak ni Atty. Harry Roque kamakailan.

Kung saan konektado ito sa mga kasong kriminal na kinakaharap ng naturang abogado dahil sa pagiging sangkot umano sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations sa Porac, Pampanga.