-- Advertisements --

Inilabas na ng Department of Justice (DOJ) ang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa dating Ateneo de Manila University head coach na si Tab Baldwin at apat pang indibidwal kaugnay ng imbestigasyon sa pagkamatay ng student-athletes na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.

Ayon kay DOJ Acting Secretary Fredderick Vida, inilabas ang ILBO noong Hunyo 17, 2026 laban kina Baldwin, dating team manager Christopher Quimpo, assistant coach Reynaldo Jacinto Jr., assistant coach Dean Castaño, at assistant coach Sandro Soriano.

Layunin aniya ng ILBO na mabantayan at mamonitor ang mga biyahe o paggalaw ng mga indibidwal na sangkot sa isang kaso o imbestigasyon. Gayunpaman, hindi nito awtomatikong ipinagbabawal ang kanilang pag-alis ng bansa.

Ayon sa kagawaran, maaari lamang mapigilan ang isang indibidwal na makabiyahe palabas ng Pilipinas kung may inilabas nang Precautionary Hold Departure Order (PHDO) habang nasa yugto ng preliminary investigation ang kaso, o Hold Departure Order (HDO) kapag nasampa na ito sa korte.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay sa pagkasawi nina Baterbonia at Adili upang matukoy kung may pananagutang kriminal ang mga sangkot sa insidente.

Wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Baldwin at ng iba pang pinangalanan kaugnay ng naturang kautusan.

Patuloy ding nakikipagugnayan ang Bombo Radyo sa mga nabanggit na indibidwal.