Binalaan ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang mga nagkakanlong at nagpoprotekta kay Peter Joemel Advincula alyas Bikoy.

Ayon kay Guevarra, mahaharap sa criminal liability ang mga protectors at coddlers ni Advincula lalo na aniya at umamin mismo si alyas Bikoy sa partisipasyon niya sa illegal drug trafficking.

Bukod pa aniya ito sa mga pending warrants of arrest ni Advincula sa iba’t ibang kasong kinakaharap nito.

Sinabi ni Guevarra na may mga ginagawa nang imbestigasyon at pag-aaral ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ni Advincula.

Pinag-aaralan na rin aniya ng DoJ kung pai-imbestigahan nila sa NBI ang ibinunyag ng Malacañang na panibagong “ouster matrix” laban sa administrasyong Duterte.

Si Advincula ay lumutang noong Lunes at inamong siya ang nasa likod ng serye ng Bikoy video na nagdadawit sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drug trade.