
Irerekomenda mg Department of Justice (DOJ) sa Malacañang ang paghahain ng kaso sa international tribunals laban sa China kaugnay sa pagkuha at pagsira ng mga bahura sa West PH Sea.
Ayon kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, tatalakayin nila ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa lalong madaling panahon upang mapanagot ang mga nasa likod ng iligal na gawain.
Iginiit pa ni Sec. Remulla na mayroon man o walang territorial dispute, isang kasalanan sa sangkatauhan ang pagsira sa kalikasan.
Ikinalungkot din ng kalihim ang pagkasira ng coral reef sa WPS na nangyayari na sa loob ng maraming panahon kung kayat kanilang isusulong ang nasabing mga kaso laban sa China dahil marami umano silang hawak na ebidensiya
Sinabi din ni Remulla na nagsimula ang dokumentasyon ilang taon na ang nakakaraan at nitong mga nakaraang buwan nakakalap pa ng karagdagang dokumentasyon hinggil sa naturang usapin.
Kaugnay nito plano ding i-tap ang magagaling na legal experts sa bansa upang matulungan sila sa naturang hakbang.
















