Inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Justice (DOJ) at Department of Foreign Affairs (DFA) na pangunahan ang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Czech Republic kaugnay ng pagpapauwi sa bansa kay dating Ako Bicol Representative na si Zaldy Co, na iniulat na naaresto sa Prague.
Ayon sa chief executive, nananatili sa kustodiya ng Czech authorities ang dating mambabatas habang isinasagawa ang mga kinakailangang proseso para sa kanyang posibleng pagbabalik sa Pilipinas taliwas ito sa naunang pahayag ni dating presidential spox Harry Roque na nagsabing wala umano si Co sa Czech Republic.
Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa pamamagitan ng DOJ at DFA upang matiyak na nasusunod ang tamang legal na hakbang, kabilang ang mga umiiral na kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.
Nilinaw din ng Pangulo na ang proseso ng pagpapauwi ay hindi agarang maisasagawa dahil kinakailangan itong dumaan sa tamang legal na proseso.
















