Mariing itinanggi ng Department of Health (DOH) na epektibo ang isinusulong na tuob o steam inhalation bilang remedyo laban sa virus na nagdudulot ng COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, mismong mga eksperto na mula sa ibang bansa na ang nagsabi na wala pang sapat na ebidensyang makapagsasabi na napapatay nga ang SARS-CoV-2 sa pamamagitan ng paglanghap ng steam o singaw ng mainit na tubig na may halong asin, lemon at iba pang sangkap.

Ganito rin daw ang pahayag ng mga eksperto dito sa bansa dahil posibleng magdulot pa ito ng hindi magandang resulta sa mga gagamit.

“Maging ang CDC at WHO ay mariing pinabubulaanan na ang steam inhalation ay nakagagaling ng COVID-19. Wala pang siyentipikong pag-aaral sa ngayon ang nakakapagpatunay nito.”

“May posibilidad na mapasama ang virus sa singaw (aerosolization), na maaaring pagmulan ng pagkalat ng sakit. Ang steam inhalation ay nagpaparami ng secretions (likido) sa ilong na posibleng makahawa sa iba sa pamamagitan ng pagbahing o pag-ubo.”

“Maaari rin itong magdulot ng aksidente gaya ng pagkasunog at pagkalapnos ng balat.”

Paliwanag ni Usec. Vergeire, pinaka-epektibong paraan pa rin bilang panlaban sa COVID-19 virus ang pagsunod sa minimum health standard protocols.

Tulad nang pagsusuot ng face masks, paghuhugas ng kamay, pagsunod sa physical distancing protocol at cough etiquette o tamang pag-ubo at pagbahing.

Pero kung may mga hindi raw talaga mapipigilan sa paggamit ng tuob, ayon sa DOH, mag-ingat sa pagkapaso. At kung imbis na gumaling ay lumala ang sintomas ay agad na raw magpakonsulta sa doktor.

“Kung ikaw ay makaramdam ng anumang sintomas ng COVID-19 o maaksidente dala ng steam inhalation, agad na magpakonsulta sa isang espesiyalista.”

Kamakailan nga nang maglabas ng kautusan si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia sa mga empleyado ng provincial government para mag-practice ng tuob sa kanilang mga workstations bilang hakbang laban sa COVID-19.

Binatikos naman ito ng ilang doktor dahil nga wala pang basehan na epektibo ito.