-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hinihintay pa rin nila ang resulta ng eksaminasyon sa mga pagkain na pinaniniwalaang sanhi ng food poisoning sa halos 300 dumalo sa birthday party ni dating First Lady Imelda Marcos nitong Miyerkules.

Sa isang panayam sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na wala pang inilalabas na ulat ang Food and Drug Administration (FDA) sa exam na ginawa nito sa adobong manok at baboy, nilagang itlog, kanin at tubig na kinain ng mga biktima.

Sinabi kasi ng mga opisyal na aabutin ng dalawa o tatlong araw bago lumabas ang resulta.

Bagamat na-discharge na ang halos lahat ng mga naospital, payo ng kalihim sa mga biktima, wag mag-atubili na bumalik ng pagamutan kung muling makakaramdam ng sintomas gaya ng pagsusuka, pagdudumi, lagnat at iba pa.

Sinabi rin ni Duque na wag agad paniwalaan ang ano mang ulat na hindi beripikado mula sa mga otoridad.

Una ng inamin ng Pasig City PNP na may mino-monitor na silang person of interest sa insidente.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo tiniyak ni City Disaster Risk Reduction ang Management Council acting head Bryant Wong ang pangako ng lokal na pamahalaan na tulong sa mga biktima.