Patuloy na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang lagay ng mga ospital sa National Capital Region (NCR) sa gitna ng patuloy pa ring tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa ngayon kasi bumaba na sa 67% ang utilization rate ng critical care facilities sa mga pribado at pampublikong ospital sa Metro Manila, as of September 2.
Higit na mababa ito mula sa higit 80% utilization bago ipatupad ang dalawang linggong modified enhanced community quarantine sa Metro Manila at ilang lalawigan noong nakaraang buwan.
“Nakita naman natin yung efforts ng ating ospital, even yung public and private, na nagdadagdag talaga sila ng units sa ospital. Tayo (DOH) ay nakatulong ng kaunti sa pagbibigay ng mga augmented health human resources para makapagbukas sila ng mga kanilang kwarto na karagdagan,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ayon sa tagapagsalita ng DOH, kahit nabawasan ang bilang ng critical care facilities tulad ng ICU, ward at isolation beds, at mechanical ventilators na ginagamit, ay naka-alerto pa rin ang kagawaran.
Umaasa rin ang Healthd department na makakatulong ang inaasahang pagbubukas ng 25-bed capacity ng COVID-19 dedicated ward sa East Avenue Medical Center. Mayroon ding mga inilaan sa Quirino Memorial Medical Center.
“We are still closely monitoring and working with our hospitals para magtuloy-tuloy na ang pagbaba nito.”
Ang critical care utilization rate ngayon para sa 20,620 na kabuuang bilang dedicted beds para sa COVID-19 sa buong bansa ay 46%.
Aabot sa 13,791 ang total ng COVID-19 beds sa public hospitals, habang 6,829 ang mula sa private hospitals.
As of September 2, 65% pa ng ICU beds sa NCR hospitals ang okupado. Sa mga isolation beds, 67% ang occupied, at sa ward beds ay 68% ang may nakahiga na ring pasyente.